Ikinatuwa ng Vice President ng Liga ng mga Barangay sa Echague Isabela ang panukalang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay sa apat na taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dante Halaman
Vice President ng Liga ng mga Barangay ng Echague Isabela sinabi niya na malaki ang maitutulong ang panukalang ito sa kanilang mga brgy, officials dahil mas mahaba ang panahon nila para maisakatuparan ang mga proyekto sa barangay.
Mas makakatipid din aniya ang pamahalaang pambansa sa gastusin dahil mababawasan ang bilang ng eleksyon sa kada termino ng mga opisyal ng barangay.
Aniya hindi kayang tapusin ang isang proyekto sa dalawang taon na termino ng mga opisyal ng barangay dahil sa 3-year development plan ng pamahalaan.
Kapag nasimulan ang proyekto at nagkaroon muli ng halalan ay posibleng hindi maituloy kung hindi itutuloy ng sumunod na administrasyon.
Masasayang lang aniya ang nasimulan nilang proyekto kung hindi rin lamang matatapos dahil sa dalawang taon lamang na termino ng mga opisyal ng barangay.
Halimbawa aniya rito ang mga road concreting projects na dumadaan pa sa pagpopondo bago masimulan kaya matagal ang proseso.
Sakaling maisabatas ang panukalang pagpapalawig sa kanilang termino ay malaking tulong ito sa kanila para maipagpatuloy ang mga nasimulan nang proyekto.











