--Ads--

Nasawi ang isang lalaki habang sugatan naman ang anak nito matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang pampasaherong bus sa Malasin, San Mateo, Isabela.

Ang mag-amang biktima ay sina Ronnie Feliciano, 55-anyos, at Ronielyn Feliciano, 23-anyos na pawang residente ng Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Ang tsuper naman ng Bus ay kinilalang si Salvador Guireula, 48-anyos at residente ng Centro 10, Tuguegarao City.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Pulisya, sinundo umano ni Ronnie ang anak nito sa Lungsod ng Santiago at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

--Ads--

Napunta umano sa linya ng bus ang motorsiklo na dahilan ng salpukan ng mga ito.

Agad na binawian ng buhay si Ronnie dahil sa tinamo nitong sugat sa katawan habang kasalukuyan namang nagpapagaling ngayon sa Hospital ang anak nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aeron Narag, konduktor ng sangkot na bus, sinabi niya na nakapag-preno pa umano ang driver subalit sinalubong pa rin sila ng motorsiklo.

Hindi naman umano nila magawang makaiwas dahil ayaw naman nilang madamay ang ibang mga sasakyan na kasabay nila sa kalsada.