Iaanunsyo ang pagiging santo ng unang Katolikong santo mula sa millennial generation, si Carlo Acutis, sa darating na Setyembre 7, ayon kay Pope Leo XIV nitong Biyernes, Hunyo 13.
Si Acutis, isang British-born Italian na namatay sa leukemia noong 2006 sa edad na 15, ay nakatakda sanang gawing santo noong Abril 27 ngunit naantala ito kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.
Ibinahagi ni Pope Leo ang bagong petsa sa isang pulong kasama ang mga cardinal upang talakayin ang mga proseso ng pagiging santo.
Hindi binanggit ng Santo Papa kung saan gaganapin ang seremonya ng pagiging santo, ngunit kadalasang idinaraos ito sa St. Peter’s Square. Ang pagiging santo ni Acutis ay nagdulot ng matinding interes mula sa mga kabataang Katoliko at inaasahang magdadala ng libu-libong tao sa Roma.
Si Acutis, na tinaguriang “God’s influencer”, ay natutong gumamit ng iba’t ibang computer coding languages bago siya namatay. Gumawa rin siya ng mga website upang ipalaganap ang kanyang pananampalataya.
Ayon sa kanyang ina na si Antonia Salzano, ang kagandahan ng kwento ni Carlo ay ang pagiging relatable niya sa mga kapwa kabataan noong 2000s.
Ang pagiging santo ay nangangahulugan na naniniwala ang Simbahan na ang isang tao ay nasa Langit kasama ang Diyos.
Sinusuri ng isang departamento sa Vatican ang mga kandidato sa pagiging santo upang tiyakin na sila ay namuhay nang banal. Kadalasan, kailangang mapatunayan ang dalawa sa kanilang mga milagro bilang patunay ng kanilang intersesyon sa Diyos.
Si Acutis ay iniuugnay sa dalawang milagro, una ang paggaling ng isang 4 na taong gulang na batang Brazilian mula sa malalang pancreatic malformation at ng isang 21 taong gulang na babae mula sa Costa Rica na halos mamatay matapos ang isang aksidente sa bisikleta.
Parehong nagdasal ang mga magulang ng dalawang indibidwal kay Acutis para sa tulong, ayon sa mga awtoridad ng Simbahan.
Bukod kay Acutis, itatalaga rin bilang santo sa Setyembre 7 si Pier Giorgio Frassati, isang Italyanong binata na kilala sa pagtulong sa mga nangangailangan. Siya ay namatay sa polio noong 1920s.









