Binuksan na muli sa publiko ang Alicaocao overflow bridge matapos ang ilang Linggo na pagsasara dulot ng ginawang rehabilitasyon dahil sa nabutas na isang span ng tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanguniang Panlungsod Member Egay Atienza, sinabi niya na alinsunod sa utos ni Mayor Jaycee Dy ay minadali ang pagsasaayos sa nabutas na bahagi ng tulay kaya naging mabilis ang pagbubukas nito.
Mula Lunes ay bukas na ito at madadaanan na ito ng mga magagaan na sasakyan mula sa Forest Region patungo sa Poblacion.
Ijnaasahang mas mapapagaan na nito ang biyahe papasok sa eskwelahan ng mga estudyante maging ng mga magulang na hahabol sa pagbili ng mga gamit ng kanilang anak.
Paglilinaw niya na bagamat bukas na muli ang tulay ay may ilang restrictions na para sa malalaking sasakyan.
Hindi na aniya inalis ang vertical clearance para matiyak na hindi na makakalusot ang mga truck na patungong East Tabaccal at Forest Region.
Magiging tagabantay din sa lugar ang mga opisyal ng Barangay Alicaocao at karatig Barangay para mamonitor ang mga dumadaan sa tulay.
Pinapayuhan ang mga malalaking sasakyan na dumaan na lamang sa Bayan ng Naguilian para mapahaba ang life span ng tulay.
Sa ngayon tuloy tuloy pa ang construction ng dalawang all weather bridge na inaasahang matatapos sa mga susunod pang taon.











