CAUAYAN CITY- Natangay ng mga armadong suspek ang malaking halaga ng pera mula sa mag-asawang negosyante sa naganap na robbery holdup sa Purok 6, Barangay Soyung, Echague, Isabela kaninang alas-7 ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni PCapt. Abner Accad, Deputy Chief of Police ng Echague PNP, na lulan ng e-trike ang mga biktima at papunta sana sa palengke nang harangin sila ng apat na motorsiklong may sakay na kalalakihan ilang metro lamang mula sa kanilang bahay.
Isa sa mga suspek ang naglabas umano ng baril at sapilitang inagaw ang bag ng mga biktima na naglalaman ng humigit-kumulang ₱100,000, dalawang cellphone, at ilang ATM cards.
Ayon sa pulisya, walang gaanong tao sa lugar nang maganap ang insidente at kahit may ilang nakasaksi, hindi nakagalaw ang mga ito dahil sa takot.
Lumilitaw sa imbestigasyon na posibleng kakilala ng mga biktima ang mga suspek.
Ang naturang pera ay nakalaan sana para sa pambayad ng mga biktima sa kanilang negosyong laundry shop, LPG supplies, at furniture.
Nagtamo rin ng minor injury ang misis ng biktima matapos umanong pilitin ng isa sa mga suspek na tanggalin ang kanyang wedding ring. Dahil hindi ito matanggal, pinabayaan na lamang ng salarin.
Kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa mga CCTV footage sa paligid upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang direksyong kanilang tinahak.
Nakapaglabas na rin sila ng flash alarm sa mga karatig na istasyon ng pulisya para sa agarang paghuli sa mga responsable.











