--Ads--

CAUAYAN CITY- Isang kabataang Isabelina ang kakatawan sa bayan ng Cabatuan sa nalalapit na Miss Philippine Earth 2025.

Siya si Abegail Navarro Manangan, 21 taong gulang at incoming fourth-year student ng BS Management Accounting sa Isabela State University – Echague Campus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Bb. Manangan na hindi niya inaasahang mapabilang sa listahan ng mga opisyal na kandidata, lalo’t wala pa siyang malaking titulo sa pageantry. Gayunpaman, minabuti pa rin niyang magsumite ng aplikasyon kahit sa mismong huling araw ng submission.

Aniya, nahirapan pa siya sa pagpapasa ng form dahil paulit-ulit itong nabablock sa transmission, ngunit sa kabila ng aberya ay matagumpay din niya itong naisumite.

--Ads--

Bitbit niya sa kompetisyon ang adbokasiya hinggil sa environmental education at reforestation mga aspektong mahalaga sa pagprotekta sa publiko laban sa mga natural na kalamidad gaya ng bagyo.

Isa sa mga isinusulong niya ay ang pangangalaga sa Sierra Madre, na itinuturing na natural barrier ng mga Isabelino laban sa mapanirang panahon.

Bunsod ng lumaganap na larawan ng animo’y nakalbong kabundukan sa bahagi ng Dinapigue, Isabela dahil sa pagmimina, nanawagan si Manangan ng mas mataas na kamalayan sa epekto ng naturang legal na aktibidad sa kalikasan. Umaasa siyang mahihikayat ang publiko na magtanim ng puno upang mapalitan ang mga naputol na kahoy.

Kwento pa ni Abegail, pangarap na niyang maging beauty queen mula pagkabata, ngunit noong una ay akala niya’y patimpalak ito ng pagandahan lamang.

Taong 2020 siya unang sumabak sa pageant world, at dito niya tunay na naunawaan ang mahalagang papel ng mga beauty queen sa komunidad.