Sinisiyasat na ng Police Regional Office kung kanino at saan galing ang isang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na narekober sa baybayin ng Sta. Praxedes Cagayan.
Nitong nakaraang araw lamang nang isuko sa pulisya ng isang opisyal ng barangay sa Santa Praxedes, Cagayan ang natagpuang plastik na bag na naglalaman ng hinihinalang shabu sa mga awtoridad.
Batay sa paunang ulat mula sa Santa Praxedes Police Station, natagpuan ng Barangay Kagawad ang isang transparent na plastik na bag na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu sa baybayin ng Sitio Mingay sa naturang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin, Information Officer ng Police Regional Office 2, sinabi niya na agad na rumesponde ang pinagsanib na puwersa ng Santa Praxedes Police Station, PDEA Cagayan Provincial Office, at PNP Maritime Law Enforcement Team upang kumpirmahin ang ulat at kunin ang nasabing droga.
Isinagawa ang imbentaryo, pagmamarka, at dokumentasyon sa istasyon ng pulisya sa presensya ng mga opisyal ng barangay bilang mga saksi.
Ang nasabing aytem ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Santa Praxedes at nakatakdang i-turn over sa PDEA Regional Office 2 para sa karampatang pagsusuri at dokumentasyon.
Patuloy naman ang paalala ng PNP sa publiko na makiisa sa laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng maagap, tapat, at tamang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga komunidad.











