CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang Salaknib-Baliktan Exercise 2025 sa Bambang, Nueva Vizcaya bilang bahagi ng triyuhang pagsasanay ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Fernie Lua, Civil-Military Operations (CMO) Officer ng 501st Brigade ng 5th Infantry Division, Philippine Army, inihayag niyang kabilang sa mga aktibidad ang sabayang operational maneuver sa lupa, himpapawid, at dagat.
Sinimulan ang ground movement noong Hunyo 16 sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija at inaasahang magtatapos sa Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela. Isinagawa rin ang air insertion sa Bagabag, habang may iba pang aktibidad sa Isabela State University (ISU) sa Echague.
Tampok sa ehersisyo ang ground convoy operation ng 100 pandigmang sasakyan at air assets na maglalakbay sa national highway mula Fort Magsaysay patungong Bagabag Airport, ISU Echague Oval, at Camp Melchor Dela Cruz.
Sa Bagabag Airport, ipapamalas ng SABAK forces ang galing sa Air Insertion o Military Free Fall, habang Fast Rope Insertion at Extraction naman ang kanilang isasagawa sa Echague at Gamu, Isabela.











