--Ads--

CAUAYAN CITY- Boluntaryong sumuko sa Manila Regional Trial Court Branch 34 si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor-elect Jeryll Harold Respicio kaugnay ng kasong cybercrime na inihain ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Respicio, ito ay bahagi ng proseso upang maiwasan ang pag-aresto at agad na makapagpiyansa, matapos matanggap ang warrant of arrest kaugnay sa umano’y paglabag sa Article 134 ng Revised Penal Code.

Inihain ng Comelec, sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK), ang reklamo nitong Pebrero dahil sa mga social media videos ni Respicio kung saan iginiit niyang kaya niyang manipulahin ang automated counting machines (ACMs) para sa Eleksyon 2025. Ipinakita pa umano niya sa video kung paano ito posibleng gawin sa pamamagitan ng mga “backdoor program.”

Nanindigan si Respicio na totoo ang kanyang mga pahayag at sinabing pumayag ang Comelec sa kanyang mungkahi na isama sa election resolution ang probisyong nagbabawal sa pagkakakonekta ng ACMs sa internet sa panahon ng pag-imprenta ng election returns.

--Ads--

Giit niya, lalaban siya hanggang sa huli upang mailantad ang aniya’y kakulangan ng Comelec na maaaring makaapekto sa halalan sa 2028.

Samantala, binigyanglinaw ni Comelec Chair George Erwin Garcia na maaaring nagkaroon ng “misunderstanding” si Respicio sa proseso, dahil una munang iniimprenta ang election returns bago ito i-transmit, dahilan kung bakit hindi ito madaling ma-hack o baguhin.