--Ads--

CAUAYAN CITY- Nakatakdang magsampa ngayong alas-3 ng hapon si Vice Mayor-elect Atty. Harold Respicio ng Petition for Certiorari sa Korte Suprema laban kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Respicio na hiniling niya sa Korte Suprema ang disbarment ni Chairman Garcia, imbestigasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI), at pahayag ng grave abuse of discretion umano ng COMELEC.

Kabilang sa mga batayan ng reklamo ang paggamit ng hindi awtorisadong election software at routing ng halalan data sa pamamagitan ng intermediary server. Tampok din sa reklamo ang mabigat na alegasyon ng suhulan, kung saan umano’y isang kilalang personalidad ang humingi ng ₱300 milyon mula sa isang kandidato kapalit ng garantisadong panalo.

Iginiit ni Respicio na layunin ng kanyang petisyon ang paniningil ng pananagutan at pagpapahayag ng katotohanan. Aniya, wala siyang nilabag sa kanyang mga pahayag sa social media noong Pebrero, dahil ito raw ay pagsisiwalat ng katotohanan para sa interes ng bayan.

--Ads--

Matatandaang kahapon ay boluntaryong sumuko si Respicio sa Manila RTC Branch 34 matapos matanggap ang resolusyon ng kaso ng cybercrime na isinampa ng COMELEC. Nagpiyansa siya ng ₱64,000 para sa pansamantalang kalayaan.

Nakatakda ang kanyang arraignment sa Hulyo 9, kung saan inaasahang magbibigay siya ng plea bago magsimula ang paglilitis. Ayon kay Respicio, maaari siyang magsampa ng Demurrer to Evidence kung hindi mapatibay ang ebidensya ng prosekusyon.

Wala namang inaasahang epekto sa kanyang panunungkulan bilang Bise Alkalde ng Reina Mercedes, ngunit kinilala niyang kinakailangan niyang lumiban mula sa tungkulin kapag ipapatawag ng korte.