CAUAYAN CITY- Naging benepisyaryo ang ilang minimum wage earners sa Region 2 ng programang “Bente Pesos na Bigas, Meron Na!” na inilunsad kamakailan ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DA Region 2 Executive Regional Director Rose Mary Aquino, sinabi niyang walong pribadong kompanya na may kabuuang 50 empleyado ang kabilang sa unang batch ng mga nakinabang sa programa.
Ayon kay Aquino, pinopondohan ang programa ng National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ng subsidyong ibinibigay ng pamahalaan. Iginiit din niyang quality rice ang ipinamahagi, at hindi ito mula sa lumang stock kundi sa mga bigas na binili ng NFA mula sa lokal na magsasaka sa patas na halaga.
Tiniyak din ni RED Aquino na magpapatuloy ang programa, na inaasahang makatutulong sa limang pangunahing sektor ng lipunan.
Samantala, target ng DOLE Region 2 na umabot sa 5,000 minimum wage earners ang makinabang sa murang bigas, na limitado sa 10 kilo bawat benepisyaryo.











