Tiniyak ng pamahalaan ng Israel na ligtas at maayos ang kalagayan ng 17 Pilipinong nasa Israel para sa agricultural technology training, gayundin ang apat na dairy industry specialists mula sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Israeli Ambassador Ilan Fluss, ginagawa na ng Israel ang lahat ng hakbang upang maibalik sa Pilipinas ang mga Pilipino sa lalong madaling panahon.
Nabatid na ang nasabing training ay nagsimula noong Hunyo 10 at inaasahang matatapos sana sa Hunyo 20. Ngunit dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon, lalo na sa pagsasara ng airspace, naantala ang kanilang biyahe pabalik sa Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan na ang Israel sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at iba pang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas upang tukuyin ang posibleng ligtas na ruta pauwi.
Samantala, tiniyak din ng embahada na ang mga Pilipinong nasugatan sa mga airstrike ay makatatanggap ng buong suportang medikal at compensation mula sa pamahalaan ng Israel.
Sa ibang banda bukas naman ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng Israel at Pilipinas, at nananatiling aktibo ang pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa gitna ng krisis.
Inanunsyo rin ng embahada na ang kanilang opisina sa Tel Aviv ay pansamantalang sarado alinsunod sa seguridad mula sa Israel Defense Forces.









