--Ads--

Umabot sa mahigit 2,000 ang isinagawang kilos protesta ng mga kritiko ni US President Donald Trump bilang mariing pagtutol sa umano’y mga patakaran at aksyong sumasagka sa demokrasya ng bansa.

Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, isinagawa ang tinaguriang “No King Protest” kasabay ng anibersaryo ng pagkakatatag ng US Army na siya ring itinapat sa kaarawan ni President Trump.

Ayon kay Pascual, layunin ng demonstrasyon na tuligsain ang umano’y pang-aabuso ni Trump sa kapangyarihan at ang pagkiling nito sa isang estilong diktatoryal. Isa rin sa mariing kinondena ng mga raliyista ay ang pagdadala ng military equipment sa Washington D.C. para sa isang marangyang parada bilang bahagi ng selebrasyon, na iniuugnay sa personal na pagdiriwang ng Pangulo.

Kinuwestiyon din ng maraming Democrates ang paggasta ng nasa $45 milyon para sa nasabing aktibidad, sa kabila ng mga ipinatutupad na budget cuts sa iba’t ibang programa ng pamahalaan. Tinawag nila itong pagkukunwari sa gitna ng krisis sa paggugol ng gobyerno.

--Ads--

Samantala, nilinaw ni Correspondent Pascual na isa sa mga isyung kinakaharap ng administrasyon ay ang pagpapatupad ng mass deportation, na ibinabala dulot ng pagdami ng undocumented immigrants sa bansa mga mamamayang aniya’y potensyal sanang mag-aambag sa ekonomiya kung mabibigyan ng tamang oportunidad.

Sa kasalukuyan, may ulat na naglalagay sa Immigration enforcement sa ilang bahagi ng Oregon, kung saan sinumang indibidwal, kabilang ang mga Pilipino, ay maaaring hingan ng pagkakakilanlan anumang oras.