CAUAYAN – Nanguna ang Pilipinas sa buong Southeast Asia sa dami ng mga unibersidad na nakapasok sa 2024 Times Higher Education (THE) Impact Rankings, na inilabas ngayong Miyerkules, Hunyo 18.
Sa kabuuang 121 na mga unibersidad, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang sa ASEAN at pumangatlo sa buong mundo, kasunod ng India at Pakistan. Malayo na ito kumpara sa 56 na institusyon lamang noong nakaraang taon.
Ang THE Impact Rankings ay sumusukat sa ambag ng mga pamantasan sa mga layunin ng United Nations Sustainable Development Goals (SDGs) tulad ng pagbawas ng kahirapan, pagtugon sa climate change, at pagsusulong ng de kalidad na edukasyon at pagkakapantay-pantay.
Nanatiling nangunguna ang Ateneo de Manila University sa bansa, na pumasok sa 101–200 bracket, mas mataas mula sa 201–300 noong 2023. Sinundan ito ng Batangas State University, Isabela State University, University of the Philippines, Lahat ay kabilang sa 401–600 bracket.
Bukod sa Pilipinas mayroong 85 unibersidad ang Thailand, at 76 unibersidad mula sa Indonesia. Habang nanguna ang Pilipinas sa dami, Indonesia naman ang may pinakamataas na ranggo sa buong rehiyon.
Pumalo sa ikalawa sa buong mundo ang Universitas Airlangga, mula sa dating ika-81 na pwesto — ang kauna-unahang unibersidad sa Indonesia na pumasok sa global top 10. Ang mga top-performing schools para sa bawat SDG ay nagmula sa Malaysia, Thailand, Indonesia, at Vietnam.











