Patay na lahat ang 34 sabungero na nawawala at nakabaon ang kanilang mga bangkay sa isang lugar sa Taal Lake.
Ito ang ibinunyag ng isa sa mga suspek na gustong maging “state witness” sa kaso ng mga missing sabungeros sa panayam ng isang TV Channel.
Ang suspek ay isa sa anim na security guards sa Manila Arena.
Nauna nang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek sa pagkawala ng mga sabungero na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Ronerto Matillano Jr.
Sinabi ng suspek na kinilala lang sa alias “Totoy” na isa na ngayong hamon sa pulisya para makilala ang mga labi ng mga biktima.
Ikinuwento ni Totoy na pinatay ang 34 sabungero sa pamamagitan ng pagbigti sa kanilang leeg gamit ang tie wire o alambre.
Ayon kay Totoy, nagpasya siyang lumantad at sabihin ang mga nalalaman sa krimen dahil sa mga natatanggap na pagbabanta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya. Handa rin umano siyang pangalanan ang nag-utos sa pagpatay sa mga sabungeros sa tamang panahon.
Dagdag pa niya, ang mga biktima ay pare-pareho lang na nandadaya sa laro ng sabong.
Aniya, inindorso o ipinasa nila ang mga biktima sa ibang grupo na hindi niya pinangalanan.
Bukod sa mga sabungero, ibinunyag ni Totoy na nakalibing din umano sa Taal Lake ang mga drug lords.











