--Ads--

Inihayag ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2 na inasahan nila ang pagdami ng mga magdidiskubreng saku-sakong iligal na droga sa karagatang sakop ng Region 2.

Ito ay kaugnay sa mga natagpuang saku-sakong iligal na droga sa ibat-ibang lugar sa Cagayan sa mga nakalipas na araw at linggo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director III Charlene Magdurulang, sinabi niya na kung matatandaan maraming sako ng iligal na droga ang nadiskubre ng mga mangingisda sa bahagi ng Region 3 at Region 1.

Natagpuan ng sampung mangingisda mula sa Bataan ang tinatayang ₱1.5 bilyong halaga ng shabu na palutang-lutang sa kanlurang bahagi ng karagatan sa Masinloc, Zambales noong May 29.

--Ads--

Aniya kung titingnan ang pattern o galaw ng karagatan, patungo ito sa Region 2 kaya binantayan nila ang coastline ng rehiyon para masabat ang iba pang sako ng iligal na droga na palutang-lutang sa karagatan.

Sa ngayon, nasa tatlong sako na ng iligal na droga ang nadiskubre sa Region 2.

Modus umano ito ng mga international drug smuggling syndicate na tinatawag na shipsides smuggling kung saan, inihuhulog ang mga kontrabando sa karagatan at may mga local drug syndicate naman sa bansa na kukuha sa mga ito.

Maaring dahil sa masamang lagay ng panahon ay hindi ito agad na nakuha kaya nagpalutang-lutang sa dagat hanggang matagpuan ng mga mangingisda.

Inaakala kasi nilang mga relief o food packs ang mga natatagpuan nilang sako dahil sa label na durian at green tea sa packaging nito.

Nagpasalamat naman siya sa mga mangingisda at lokal na opisyal na agad na nakikipag-ugnayan sa mga otoridad para I-turn over ang mga natatagpuan nilang droga.

Aniya sa pamamagitan ng Project SPIES, naipapakita ang sama-samang pagpigil sa paglaganap ng ilegal na droga sa rehiyon.

Tiniyak naman niya ang patuloy na imbestigasyon ng PDEA Region 2 para matukoy ang pinagmulan ng droga at ang mga posibleng sangkot dito.