--Ads--

Bumisita si National Food Authority o NFA Administrator Larry Lacson sa lalawigan ng Isabela upang inspeksyunin ang mga ipinapatayong warehouse at inaayos na mga pasilidad ng NFA.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NFA Administrator Larry Lacson, sinabi niya na malaki ang gampanin ng lalawigan ng Isabela sa produksyon ng palay sa buong bansa.

Isa ang Isabela sa may pinakamalaking produksyon ng palay kaya dapat lamang na matutukan ang mga pasilidad na paglalagyan sa ani ng mga magsasaka.

Aniya, anim na bodega ang ipinapatayo ng ahensya habang sampung pasilidad naman ang inaayos para may paglagyan ng bigas.

--Ads--

Kapag natapos na ang konstruksyon at naayos na ang mga pasilidad ay madadagdagan din ang bilang ng kayang bilhing palay ng ahensya dahil mas marami nang mapag-iimbakan.

Plano din ngayon ng NFA na makapagpundar ng mga sasakyan na maaring gamitin para sa pagdeliver ng mga aning palay ng mga magsasaka na magbebenta sa ahensya.