--Ads--

CAUAYAN CITY- Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan para sa kahandaan sa sakuna, matagumpay na nakiisa ang buong puwersa ng Isabela Police Provincial Office sa ikalawang quarter ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na isinagawa ngayong Hunyo 19, 2025, sa pamumuno ni PCOL Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng PNP Isabela.

Pinangunahan ni PLTCOL Jomar F. Julian, Chief ng Police Community Affairs and Development Unit (PCADU), ang aktibidad kasama ang Provincial Staff at mga kinatawan mula sa BFP-Isabela at CDRRMO Ilagan. Kabilang sa mga lumahok ang mga personnel ng Provincial Headquarters, 1st Isabela Police Mobile Force Company (1st IPMFC), RHPU2, at mga OJT students mula sa ISU-Cabagan.

Eksaktong alas-9:00 ng umaga, tumunog ang isang minutong sirena na naging hudyat ng pagsisimula ng drill. Agad isinagawa ng mga kalahok ang “Duck, Cover, and Hold”, sinundan ng maayos na evacuation at accounting ng personnel sa pangunguna ng Incident Commander.

Bahagi rin ng pagsasanay ang building assessment, search and rescue operation, at simulated medical assistance. Natapos ito sa critique and evaluation session na pinangunahan ng BFP-Isabela at CDRRMO-Ilagan, kung saan tinalakay ang mga positibong nagawa at mga aspeto para sa pagpapabuti.

--Ads--

Kasabay nito, nagsagawa rin ng sariling earthquake drills ang mga istasyon ng pulisya sa buong lalawigan, kabilang ang mga lungsod at bayan, alinsunod sa direktiba ng PNP National Headquarters.

Ayon kay PCOL Bauding, “Ang partisipasyon ng PNP Isabela sa NSED ay patunay ng aming dedikasyon sa kaligtasan ng publiko hindi lamang sa panahon ng kapayapaan kundi sa pagtugon sa sakuna.”

Ang NSED ay inisyatiba ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na layong palakasin ang kahandaan ng bawat Pilipino sa harap ng banta ng lindol.