--Ads--

CAUAYAN CITY- Inayos na ng pamunuan ng Barangay Tagaran Cauayan City ang tambak na basurang iniwan sa tabi ng Sports Complex kamakailan.

Matatandaan na una nang iniulat ng Bombo Radyo Cauayan ang tila dumpsite sa lugar matapos tapunan ng mga election materials at residual waste.

Agad namang nakipag-ugnayan ang barangay sa lokal na pamahalaan ng Cauayan upang maayos ang basura dahil hindi kakayanin ng mga opisyal kung mano-manong paglilinis ang kanilang gagawin lalo pa at napakaluwang ng ginawang dumpsite.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag, aniya, madalas masisi ang mga opisyal ng barangay dahil nakikita ng mga turista ang mga basura sa tabi ng sports complex.

--Ads--

Aniya, ilang oras lamang ang itinagal ng paglilinis dahil gumamit sila ng backhoe para maibaon sa lupa ang ilang mga basura.

Inabisuhan kasi aniya sila ng lokal na pamahalaan na ibaon sa lupa ang ilang mga basura na magiging fertilizer habang ang ilan naman ay irerecycle na lamang.

Aminado ang Punong Barangay na ito na ang pinakamatinding problema sa barangay dahil hindi ma-disiplina ang mga residente sa pagtatapon ng kanilang basura.

Sa ngayon, natanggal na ang ilang basura sa lugar, gagamit pa rin sila ng mga makinarya tulad ng loader para matanggal at ma dispose pa ang mga natitirang basura.

Binabalaan pa niya ang mamamayan na ang pagtatapon ng basura ay labag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Ang sino mang magtatapon ng basura sa hindi nararapat na tapunan ay maaaring makulong o mapatawan ng multa.