--Ads--

Tinatayang P2 milyon na halaga ng marijuana plants ang nadiskubre ng mga otoridad sa isinagawang marijuana eradication sa Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga nito lamang ika-19 ng Hunyo 2025.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Medie Lapangan Jr. PCADU Chief ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na matagumpay ang nasabing eradikasyon dahil sa pagtutulungan ng mga operatiba sa pangunguna ng 2nd Kalinga PMFC katuwang ang Tinglayan Municipal Police Station, PDEU ng Kalinga PPO, at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Kalinga.

Nagresulta ang operasyon sa pagkadiskubre ng sampung libong piraso ng fully grown marijuana plants sa isang communal forest na tinatayang may lawak na 1000 square meters at may standard drug price na P2 milyon.

Aniya bagamat walang nahuling cultivator, binunot at sinunog ng mga operatiba ang pinagbabawal na tanim sa mismong lugar at kumuha ng sapat na sample upang isumite sa Provincial Forensic Unit-Kalinga para sa karagdagang pagsusuri.

--Ads--

Dati nang nagsagawa ng eradication ang mga otoridad sa nasabing lugar at maaring bumalik ang mga may-ari ng mga naunang binunot at muling nagtanim ng marijuana sa nasabing plantasyon.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para matunton ang iba pang taniman ng marijuana at kung sino ang may-ari ng nasabing plantasyon ng ipinagbabawal na gamot.

Aniya pahirapan ang pagtukoy sa mga nagtatanim ng marijuana dahil hindi kailangan ng maintenance ang mga ito gaya ng gulay at iba pang pananim dahil kusa nang tumutubo kahit ihagis lamang ang mga buto nito sa lupa.

Saka na lamang aniya bumabalik ang mga nagtatanim kapag alam na nilang pwedeng anihin ang mga marijuana kaya walang naabutan ang mga otoridad.

Maari ring mayroon silang lookout sa ibabang bahagi ng bundok at kapag namonitor ang galaw ng mga otoridad ay ititimbre na lamang sa mga cultivator na umalis sa lugar bago dumating ang mga otoridad para magsagawa ng eradication.