--Ads--

Inatasan ng Office of the Ombudsman si Pangalawang Pangulo Sara Duterte at iba pang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na magsumite ng kanilang counter affidavit kaugnay ng kasong isinampa ng isang panel ng House of Representatives.

Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y iregular na paggamit ng confidential funds noong 2022 at 2023.

Kabilang sa mga inirereklamo, bukod kay Duterte, ay sina dating special disbursing officers Edward Fajarda at Gina Acosta, dating assistant secretary ng DepEd na si Sunshine Fajarda, dating undersecretary Nolasco Mempin, at iba pang opisyal ng OVP at DepEd.

Sila ay nahaharap sa mga kasong technical malversation, falsification of public documents, paggamit ng pekeng dokumento, perjury, bribery, corruption of public officers, plunder, betrayal of public trust, at culpable violation of the Constitution.

--Ads--

Ayon sa kautusang nilagdaan ni Assistant Ombudsman Nellie Golez, inaatasan ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter affidavit sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagtanggap ng utos sa pangunahing tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City.

Binigyang diin sa kautusan na ang kabiguang magsumite ng counter affidavit sa itinakdang panahon ay ituturing na pagtalikod sa karapatang magharap ng ebidensya at magpapatuloy ang paunang imbestigasyon batay sa mga isinumiteng ebidensya.

Dagdag pa rito, hindi tatanggapin ng Ombudsman ang anumang motion to dismiss.

Ang kaso ay ituturing na isinumite para sa resolusyon batay sa mga ebidensyang iniharap ng magkabilang panig, maliban na lamang kung kinakailangan ng karagdagang paglilinaw.

Samantala, nahaharap din si VP Duterte sa isang impeachment trial sa Senado kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng OVP at DepEd noong siya ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.