CAUAYAN CITY- Aminado ang Schools Division Office ng Cauayan na wala pa ring plantilla position na nakukuha para sa school nurse na itatalaga sa 80 paaralan sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joel De Leon, Project Development Officer 2 at Disaster Risk Reduction and Management Coordinator ng SDO Cauayan, sinabi niya na bagaman mayroon namang mga guro sa mga paaralan na marunong gumamot sa sakit ng mga estudyante, importante pa rin sana aniya kung mayroong mga plantilla.
Aminado naman na may mga kanya kanyang tungkulin sa pagtuturo ang mga guro kaya isinisingit lamang nila na bigyan ng atensyong medikal ang mga estudyanteng may sakit.
Kung sakali mang mayroong plantilla position , tiyak aniya na lahat ng mga kaguruan ay mapagtutuunan ang kani-kanilang obligasyon.
Ayon pa kay Ginoong De Leon, matagal nang concern ito sa lungsod ng Cauayan dahil piling mga paaralan at Division lamang ang mayroong plantilla position.
Sa ngayon, naghihintay na lamang ang tanggapan na magkaroon ng bukas na posisyon para makakuha ng tig isang Nurse sa bawat paaralan.
Ang mga nurse kasi aniya ang makakatuwang ng mga School Disaster Risk Reduction and Management Officer upang matiyak ang magandang kalusugan ng mga estudyante.






