Mariing kinundena ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang nakaamba na big time oil price hike sa susunod na Linggo na naglalaro sa dalawang piso hanggang apat na piso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chariman Mody Floranda, sinabi niya na hindi makatuwiran ang iapapatupad na big-time oil price hike lalo at nagkaroon na ng oil price hike nitong nagdaang Linggo.
Aniya dapat na mismong si Pangulong Marcos na ang dapat kumilos para pigilan ang patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Panawagan niya sa Pangulo na magpasa ng executive order na pansamantalang magpapatigil sa buwis sa produktong petrolyo sa ilalim ng VAT o Value Added Tax at excise tax.
Matatandaan na unang inihayag ng Department of Energy (DOE) na hindi direktang kumukuha ng supply ng langis ang Pilipinas sa Iran dahil mayorya ng langis ay mula sa Dubai kaya walang nakikitang direktang epekto sa bansa ang kasalukuyang sigalot sa Middle East.
Bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol ay magkakaroon ang transport group ng pagkilos kasabay ng panawagan na ipatigil ang pagbubuwis sa petroleum products.
Dagdag pa niya na walang saysay ang fare hike na ipapatupad ng LTFRB dahil sa ang pasanin ay ipinapasa lamang sa mga mananakay lalo at tuloy tuloy paring tumataas ang presyo ng petrolyo.Bagamat handa din ang ahensya sa pagbibigay ng subsidiya ay hindi din ito sasapat dahil ang 6,000 pesos fuel subsidy ay apat na araw lamang nilang magagamit.
Sa halip na subsidy ay pababain na lamang dapat ng gobyerno ang presyo ng bilihin at i-regulate ang presyo ng petrolyo na hindi lamang makakatulong sa sektor ng transportasyon maging sa taumbayan.
Panawagan niya sa lahat na kalampagin ang pamahalaan upang tugunan ang matagal ng problema sa transportasyon.











