CAUAYAN CITY- Magkakaroon ng reshuffling ng mga School Principal sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Cauayan epektibo sa susunod na mga buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Ramos, Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan, sinabi niya na normal lamang ang reshuffling kada tatlong taon subalit kailangan aniya na maging handa ang mga guro para lumipat ng paaralan.
Magkakaroon nanaman kasi aniya ng adjustment lalo na kung ang isang principal ay mula sa maliit na paaralan at biglang malilipat sa malalaking paaralan.
Aniya, matagal na ring naabisuhan ang mga guro tungkol sa reshuffling at inaasahan naman ng Kagawaran ng Edukasyon na handa ang mga guro ano mang oras o araw sila lilipat
Bagaman kakasimula pa lang ng pasukan ng mga estudyante ay mayroon pa naman aniyang mahigit isang buwan para manatili sa dating paaralan ang mga principal.
Naniniwala ang SDO na ipapakita ng mga guro ang magandang performance kahit pa man lilipat na sila sa kanilang nakasanayang lugar.
Katangian naman talaga aniya ng mga guro na maging flexible kaya kahit saang lugar pa sila ibato ay kaya nilang mag contribute ng magandang pagbabago sa mga paaralan.
Ayon pa kay SDS, may mga dahilan kung bakit nalilipat ang mga guro pangunahin na ang promotion at DepEd order.











