--Ads--

Lalong tumindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ilunsad ng Iran ang dalawang bugso ng missile strikes laban sa Israel nitong Linggo, Hunyo 22.

Ang pag-atake ay kasunod lamang ng ilang oras matapos ianunsyo ni US President Donald Trump na matagumpay na binomba ng Estados Unidos ang tatlong pangunahing nuclear facilities ng Iran sa Fordow, Natanz, at Isfahan.

Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 23 katao ang nasugatan sa Israel, kabilang ang mga sibilyan sa Tel Aviv at Haifa, matapos tamaan ng mga missile ang ilang gusali at pampublikong lugar.

Agad na nagpatupad ng emergency response ang mga awtoridad habang pinayuhan ang publiko na manatili sa mga bomb shelter.

--Ads--

Samantala, kinumpirma ng Iranian Atomic Energy Organization ang mga pag-atake sa kanilang nuclear sites ngunit iginiit na hindi nito mapipigil ang kanilang nuclear program.

Tinawag ng Iran ang ginawang airstrike ng US bilang isang “malubhang paglabag sa international law” at nagbanta ng mas matinding ganti kung magpapatuloy ang mga pag-atake.

Sa isang televised address, sinabi ni Trump na ang operasyon ay isang “spectacular military success” at binigyang-diin na ang layunin ay pigilan ang Iran sa pagkakaroon ng sandatang nuklear. “Now is the time for peace,” aniya, ngunit nagbabala rin na may iba pang target ang US kung hindi titigil ang Iran.

Sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang alert level sa Israel habang isinara na rin ang airspace ng bansa para sa mga commercial flights. Patuloy namang nananawagan ang mga pandaigdigang lider para sa agarang de-eskalasyon ng tensyon upang maiwasan ang mas malawakang digmaan sa rehiyon.

Matatandaan na una na ring inihayag ng US na handa sila sa anumang pagganti ng Iran.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Marissa Pascual ng USA, bago pa man ang matagumpay na pag-atake ay nakahanda na ang US sa anumang retaliation na gagawin ng Iran lalo na at dati na umanong may banta ang Israel sa US kaugnay sa pakikialam nito sa kaguluhan sa Middle East.

Ang tanging hangarin umano ni US President Donald Trump ay magkaroon ng kapayapaan sa Middle East at umaasa umano ang pangulo na matapos ang ginawa nilang pag-atake ay susunod na ang Iran sa peace deal.

Bagama’t normal pa rin naman ang sitwasyon sa US matapos ang strike sa Iran ay mayroon na umanong paghihigpit sa ilang mga pampublikong lugar gaya na lamang sa mga paliparan.

Aniya, nakakaramdam na rin umano ng tensiyon ang mga residente roon lalo na sa posibleng retaliation ng Iran.
Samantala, sa ngayon ay mayroon na umanong mga US citizens sa Middle East partikular sa Israel ang humihingi na ng tulong sa pamahalaan upang makapag-repatriate matapos silang maipit sa kaguluhan.