Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi pinahintulutan ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang sinumang fitness instructor na manguna sa anumang physical fitness program para sa buong organisasyon.
Ang pahayag ay kasunod pagimbita ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) kay fitness vlogger Rendon Labador upang pamunuan ang isang 93-araw na weight loss challenge para sa kanilang Unit.
Ayon sa opisyal na memorandum ng PNP Directorate for Police Community Relations, ang aktibidad ay eksklusibo lamang sa mga miyembro ng PCADG at hindi para sa buong PNP.
Binigyang-diin ng pamunuan na dapat umiwas ang mga tauhan sa pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Jean Fajardo, bukas naman ang ahensya sa sinumang nais tumulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga pulis, ngunit walang opisyal na pagtatalaga kay Labador bilang fitness coach ng buong PNP.
Samantala, sinabi ni Labador na boluntaryo niyang tinanggap ang hamon ng PCADG bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanyang yumaong amang pulis.










