CAUAYAN CITY- Arestado ang isang sundalo matapos umano nitong magpaputok ng baril sanhi para masugatan ang isang babaeng estudyante na tinamaan ng ligaw na bala sa Purok 2, Brgy. Batong Labang, City of Ilagan.
Kinilala ang biktima na si Kyra Mae, 22 taong gulang, residente ng Cabisera 23, samantalang ang suspek ay isang Corporal na kasalukuyang nakatalaga sa kampo ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela, at residente ng Bucloc, Abra.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Jeffrey Raposas ang hepe ng City of Ilagan Police station, sinabi niya na ang suspek ay nakipag-inuman sa kaniyang mga kasamahan, dahil umano sa pagkainip ay napagdesisyunan nitong magtungo sa tabing ilog para umano mag target shooting.
Dito ay nagpaputok umano siya ng baril sa hindi malamang dahilan, na nagresulta sa pagkasugat ng biktima na tinamaan ng ligaw na bala sa kanang balikat.
Kaagad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Ilagan City Police Station matapos makatanggap ng ulat mula sa mga opisyal ng barangay.
Nabigo ang sundalo na magpakita ng mga kaukulang dokumento sanhi para siya ay agad na arestuhin.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang Glock 17 cal. 9mm na baril, dalawang magasin, 33 piraso ng bala at 11 fired cartridge cases.
Ang mga narekober na ebidensiya sa isasailalim sa ballistic examination habang ang suspek ay isinailalim rin sa paraffin test.
Ang biktima ay agad namang dinala ng Rescue 1124 sa pagamutan para sa paunang lunas.
Isinailalim naman sa imbestigasyon ang mga saksi para sa pagsasampa ng kaso laban sa sundalo.
Dahil sa insidente ay pinag aaralan na ngayon ng City of Ilagan Police Station na magkaroon ng mahigpit na monitoring kung saan sa entrance ng ilog na sakop ng Barangay Batong Labang ay kakapkapan ang mga papasok at anumang deadly weapon ay kukumpiskahin.
Pag-aaralan na din kung ipagbawal na ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar sa pamamagitan na rin ng koordinasyon mula sa Barangay.











