--Ads--

CAUAYAN CITY- Tatlong minero ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tinutuluyang kubo sa Camp 5, Acupan, Virac,Itogon, Benguet.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joemarie Alila Tigibon, 30-anyos, at Jomer Alila Tigibon, 28-anyos, kapwa mula sa Donsol, Sorsogon, at si Ramel Padseco, 24-anyos, residente ng Atok, Benguet.

Ayon sa Itogon Municipal Police Station, nakatanggap sila ng ulat ukol sa landslide dakong 6:30 ng gabi. Agad silang rumesponde sa lugar kasama ang Bureau of Fire Protection – Itogon, mga opisyal ng barangay, at mga volunteer.

Natagpuang natutulog ang mga biktima nang mangyari ang insidente. Ayon sa 16-anyos na saksi, nakita niyang biglang gumuho ang lupa at tuluyang tinabunan ang kubo ng mga biktima. Agad umano siyang tumakbo kaya’t nakaligtas sa trahedya.

--Ads--

Pinaalalahanan naman BFP – Itogon ang mga residente, lalo na ang nasa landslide-prone areas, na maging alerto sa panahon ng tag-ulan at agad makipag-ugnayan sa awtoridad kung may mapansing senyales ng pagguho ng lupa.