CAUAYAN CITY- kinumpirma ng mga otoridad na isa sa mga minero na unang napaulat na nasawi sa insidente nitong Hunyo 24 sa FCF Compound, Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya ay natagpuang buhay.
Dakong 3:46 ng hapon, iniulat ni SFO1 Analyn Mallari, commander ng Incident Command Center na siyang nangangasiwa sa retrieval operations, na na-recover na buhay si Alfred Bilibli , residente ng Maddela, Quirino.
Ito ay matapos ang naunang ulat mula sa PNP Quezon na limang minero ang nasawi sa insidente.
May mga ulat rin na isa pang minero na mula rin sa Maddela, Quirino, ay posibleng buhay pa, subalit wala pa itong kumpirmasyon mula sa mga otoridad.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente na may kaugnayan sa umano’y ilegal na pagmimina, kung saan na-trap ang mga minero bunsod ng kakulangan ng oxygen.
Tuloy-tuloy ang retrieval operations sa pangunguna ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at masagip pa ang iba pang indibidwal na maaaring naroroon pa sa lugar.











