Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Angadanan Police Station kaugnay sa nangyaring robbery hold-up sa Brgy. Calaccab noong ika-24 ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fransisco Liwag, Chief of Police ng Angadanan Police Station, nakakuha sila ng impormasyon kaugnay sa nangyaring panghoholdap sa nasabing barangay na agad naman nilang tinugunan.
Batay sa mga biktima, sakay sila ng E-bike nang sila ay harangin sila ng mga kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo at nagdeklara ng holdap.
Nakuha ng mga suspek ang relo, isang cellphone at pera na nagkakahalaga ng P4,000.
Ayon sa mga biktima nasa P15,000 ang halaga ng ninakaw ng mga suspek.
Nangyari ang insidente sa inner barangay at walang katao-tao sa lugar nang isagawa ng mga suspek ang panghoholdap sa biktima.
Sa ngayon ay may mga lead nang sinusundan ang pulisya matapos makakuha ng mga CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng paghoholdap at sa dinaanan ng mga suspek.
Mayroon na rin silang persons of interest na natukoy at hindi na nagbigay pa ng dagdag na impormasyon si PMaj. Fransisco dahil maari itong makaapekto sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Sa kabila nito, tiniyak niyang masigasig ang mga kapulisan ng Angadanan para malutas ang kaso at mahuli ang mga suspek.











