--Ads--

Nasa tatlumput tatlong bagong Juris Doctors ang nagtapos sa kanilang degree sa Isabela State University Cauayan Campus’ College of Law.

Isinagawa ng ISU Cauayan Campus College of Law ang 19th Commencement Exercises sa Isabela Convention Center o ICON.

Halu-halong emosyon naman ang naramdaman ng Batch 2025 dahil ito ang resulta ng apat na taon nilang pag-aaral.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jermagne Ceria, Juris Doctor – Class Valedictorian, inilarawan nito ang hirap na kanyang dinanas sa loob ng apat na taon niyang pag-aaral sa law school.

--Ads--

Aniya hindi naging madali ang kanyang dinanas dahil kinailangan niyang magtrabaho sa gabi para may pantustos sa kanyang pag-aaral.

Sa kabila nito ay hindi siya pinanghinaan ng loob at ipinagpatuloy ang pag-aaral hanggang ito ay magtapos.

Malaking pressure naman ngayon sa mga bagong graduates ang pagsabak nila sa isa pang hamon, ang Bar Examination sa buwan ng Setyembre ngayong taon.

Nakuha ng Isabela State University – College of Law ang pinakamataas na overall performance score sa nakaraang Bar Examination para sa buong lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Adrienne Aquino, anak ng dating ISU President na si Dr. Ricmar Aquino, hindi biro ang ginagawa nilang paghahanda sa nasabing pagsusulit upang mapanatili ang pangunguna ng ISU-College of Law.

Tiniyak naman niyang gagawin niya ang lahat ng makakaya upang makapasa bagamat ang anumang magiging resulta nito ay nakadipende sa kalooban ng Diyos.