CAUAYAN CITY- Narekober na ng mga otoridad ang lahat ng labi ng mga minero at rescuers na nasawi matapos na trap sa loob ng 400-meter-deep tunnel sa isang mining compound sa Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Santy Ventura ang hepe ng Quezon Police Station,sinabi niya na dahil sa narekober na ang apat na labi ng mga minero na nasawi ay inihinto na ang ginagawang search and retrieval operation ng ilang Civilian Volunteers, MDRRMC, BFP Quezon, BFP Solano, PNP Quezon at ilang volunteers mula sa Oceana Gold.
Aniya kabilang sa mga narekober ay ang labi ng tatlong minero na sina Daniel Segundo, Florencio Indopia at Lapihon Ayudan at isang volunteer rescuer na si John Philip Guinihid .
Sa ngayon ay naiuwi na sa Lagawe Ifugao ang labi ni Philip habang ang labi ng dalawang minero ay dinala sa isang punerarya sa Quezon.
Tumagal ng dalawang araw ang ginawang rescue operations dahil sa naganap na serye ng land slide sa lugar dahil sa mga naranasang pag-ulan.
Dahil sa makipot na tunnel sa loob ng minahan, naging pahirapan para sa mga rescuers na makalusot nahirapan din silang ilusot ang mga aparatus gaya ng oxygen sa loob ng tunnel.
Naging malaking bagay sa matagumpay na retrieval operation ay paggamit nila ng blowers sa bungad ng mga tunnel para makapag supply ng oxygen sa loob na nakatulong ng husto sa mga rescuers sa loob.
Matatandaan na una naring lumabas sa imbestigasyon na suffocation ang sanhi ng pagkasawi ng tatlong minero at isang rescuer dahil sa presensya ng methane gas sa loob ng tunnel.
Naka survive naman ang dalawang iba pang minero na una nilang na rescue matapos ang insidente, batay sa mga survivor na nahirapan silang makahinga sa loob ng tunnel.
Sa ngayon tanging mga empleyado na lamang ng FCF compound ang nakakapasok sa lugar at wala ng small scale minners na makakapasok sa lugar.






