CAUAYAN CITY- Nagpapatuloy ang Commission on Election (Comelec) Cauayan sa isinasagawang on-the-ground inspection para sa mga iminumungkahing karagdagang voting center sa susunod na halalan.
Ito ay upang paghandaan ang Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa lungsod ng Cauayan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, aniya, bagaman wala pang naisasapinal na desisyon kung kailan ang susunod na halalan, mainam aniya na ngayon pa lamang ay naghahanda na sila sa pag proseso ng mga voting center.
Ayon kay Election Officer, mayroon lamang 54 na voting center noong nakalipas na halalan at umaasa ang ahensya na ma-aprubahan pa ang anim na voting center na idaragdag partikular sa District 3 barangay hall, Gagabutan Elementary School, Cassap Fuera Elementary School, Andarayan Barangay Hall, Nagcampegan Barangay Hall, at Baringin Norte Barangay Hall.
Noong nakaraang halalan aniya ay mayroong mga residente na kumwestyon tulad na lamang ng mga residente sa barangay District 3.
Matatandaan kasi na ang District 3 ay bumoboto sa Cauayan South Central School kung saan din ang voting center ng District 1.
Iginiit pa ni Atty. na kinakailangan nang mailipat ang voting center ng District 3 dahil mayroong mahigit 4,000 na botante ang barangay at masyado nang crowded sa Cauayan South Central School.
Bukod dito, nahihirapan na rin aniya sa pag commute ang mga residente kaya dapat lamang na maililat na sa kanilang kanya kanyang barangay ang voting center.
Sa ngayon, bagaman wala pang klarong mandato kung matutuloy ang halalan ngayong December 2025 o maaprubahan ang isinasabatas na palalawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay, ang mahalaga ay handa na aniya sila.
Samantala, ilan naman sa mga aktibidad ahensya tulad na lamang ng voters’ registration ay nailipat na sa October 2025-July 2026 sa halip na July 2025.











