Hindi maiwasang mangamba ang ilang Pilipino sa Qatar matapos ang isinagawang missile strike ng Iran sa US air base sa nasabing bansa, kasunod ng operasyon ng US B-2 bomber sa Iran.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Dennis Robles, naglabas muna ng abiso ang American at Philippine embassies, na sinundan ng pansamantalang pagsasara ng airspace ng Qatari government bago ang pag-atake.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na naranasan niya ang ganitong tensyon sa ilang taon niyang pananatili sa Qatar. Ilang oras matapos ang abiso, yumanig ang lupa dulot ng pagsabog ng missile malapit sa US air base.
Dahil dito, agad silang nag-impake at nag-imbak ng mga pangunahing pangangailangan bilang paghahanda sa posibleng paglikas.
Kitang-kita umano nila ang pagpapalipad ng Iran ng mga missile patungong US air base, na karamihan ay na-intercept ng air defense ng Qatar.
Sa kabuuang 19 missile na pinakawalan ng Iran, isa lamang ang bumagsak ngunit hindi ito nagdulot ng pinsala o casualty.
Matapos ang insidente, muling binuksan ng Qatari government ang airspace at tiniyak na ligtas na ang paligid.
Gayunpaman, nangangamba parin ang ilang OFW sa gitna ng umiiral na tensyon at palitan ngs strike kamakailan sa Iran at Israel.
Samantala, naglabas na rin ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa kasalukuyang ceasefire deal sa Gitnang Silangan.











