Binawian ng buhay ang isang pulis matapos itong barilin ng biyenang babae sa Brgy. Poblacion, Pres. Quirino, Sultan Kudarat bandang alas-10 ng gabi noong June 25.
Kinilala ng Pres. Quirino MPS ang biktima na si Police Staff Sergeant Bobby Nanali, 37 anyos, at Warrant PNCO ng nabanggit din na Police Station.
Ayon kay Sultan Kudarat Provincial Police Office Director PCol Bernard Lao, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mag-asawa na humantong sa agawan ng baril.
Inamin umano ng asawa ng biktima, na isa ring aktibong miyembro ng PNP, na nakuha niya ang baril at ibinigay ito sa kanyang ina, na 60 anyos, na nagkataong nandoon sa kanilang bahay nang mangyari ang pagtatalo.
Nagtungo umano sa kanilang garahe ang biktima pero sinundan ito ng kanyang misis kasama ang ina nito. Dito na umano nabaril ng kanyang biyenan ang pulis.
Tinamaan ang biktima sa kanyang likod na tumagos sa kanyang tiyan.
Naisugod pa sa hospital ang biktima ngunit binawian na din ito ng buhay.
Sa ngayon ay under custody na ng Pres. Quirino MPS ang mga person of interest na hindi na din muna pinangalanan.
Inihahanda na rin ang mga kaukulang kaso sa kanila.
Kasabay ng isinasagawa nilang malalimang imbestigasyon, nagluluksa naman ang Pres. Quirino PNP maging ang pamunuan ng Sultan Kudarat Provincial Police Office dahil nawalan sila ng isang mahusay na pulis.











