CAUAYAN CITY- Hindi inaasahan ng isang guro mula Isabela na mapapabilang siya sa listahan ng mga topnotchers sa katatapos na Special Professional Licensure Examination for Teachers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ramil Madriaga, na nakapuwesto bilang Rank 7, inamin niyang hindi siya tiyak kung makakapasa pa nga sa pagsusulit, lalo na’t nahirapan siya sa major subject.
Ayon kay Madriaga, hindi niya talaga target na makasama sa topnotchers. Ang tanging dasal lang daw niya noon ay makapasa sa board exam.
Nang lumabas ang resulta, nasa eroplano siya mula Singapore pauwi ng Pilipinas. Pagkarating sa immigration, nakatanggap siya ng mensahe na naglalaman ng listahan ng topnotchers. Sa unang tingin ay hindi niya nakita ang kanyang pangalan ngunit nang muling suriin ay laking gulat niya nang makita siya sa Rank 7.
Ibinahagi rin ni Madriaga ang hirap ng kanyang review. Bilang nurse sa Saudi Arabia, naka-night shift siya sa loob ng dalawa’t kalahating buwan, kaya’t duda siya kung nare-retain niya ang kanyang mga napag-aralan.
Dagdag pa niya, naging hamon din ang pagpunta sa testing center dahil nataon ang araw ng exam sa isang pista opisyal sa Saudi. Bihira ang pampublikong transportasyon, kaya kinailangan pa niyang maglakad ng 25 minuto patungong national highway upang makasakay sa mga pribadong sasakyan at makarating sa pagsusulit.
Bagaman puno ng pagsubok ang kanyang karanasan, sinabi ni Madriaga na ang determinasyon at panalangin ang naging susi upang makamit ang tagumpay.











