--Ads--

Inaasahang maiibsan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng Diadi, Nueva Vizcaya oras na muling buksan ang dalawang lane ng kalsada sa barangay Balete.

Kung matatandaan, nagpatupad ang Department of Public Works and Highways o DPWH Region 2 ng 15-minute Stop-Go interval sa bahagi ng Diadi, Nueva Vizcaya dahil sa kasalukuyang pagsasaayos ng kalsada o road works.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Melecio Tumbali Jr., Project Engineer  ng  DPWH Regional Office 2, sinabi niya na patapos na ang road works sa lugar at 100 meters na lamang ang kailangang ayusin ng contractor.

Ang proyekto ay sakop ng Barangay Balete, Diadi, Nueva Vizcaya kung saan noong June 26,2025 ay binakbak ang isang lane at kasalukuyan nang nabuhusan ang 90 meters ng binakbak na daan subalit nakakaranas ng pag-ulan sa lugar.

--Ads--

Dahil sa kasalukuyang road work na nasa curing stage na ay nagkaroon ng dagsa ng mga sasakyan dahil sa weekend at uwian na rin ng karamihan sa mga residente.

Dahil sa pag-ulan ay maraming trailer trucks din ang nahirapang makaahon sa matarik na bahagi ng kalsada sa lugar na nakadagdag sa pagbigat ng daloy ng trapiko nitong mga nakalipas na araw.

Plinano nila noon na hilain na lamang ang mga nabitin na trailer subalit dahil sa nagkaroon ng traffic build-up sa magkaparehong linya ay hindi rin nakapag operate ang kanilang tow trucks.

Aniya gumamit sila ng quick drying cement para ma accommodate ang malaking volume ng sasakyan sa Diadi at maiwasan na ang mabigat na daloy ng trapiko.

Maliban sa Barangay Baleta may iba pang road works ang DPWH o Asphalt overlay sa bahagi ng Bayombong na sinimulan na rin kagabi kung saan isang lane ang sinara at nanatiling available ang tatlong lane ng kalsada kaya hindi ito makakaapekto sa daloy ng trapiko.

Aniya, hindi maiwasan na makatanggap sila ng mga kritisismo subalit pilit na sinisikap ng DPWH na matapos ang lahat ng mga proyekto nila sa bahagi ng Maharlika Highway sa Nueva Vizcaya.

Tiniyak din nila ang sapat na signages para magbigay ng babala sa mga motorista na nanatiling visible kahit gabi.

Sa kasalukuyan ay walang ibang daan o alternate route sa Diadi, Nueva Vizcaya gayunman puntirya nilang matapos ang road widening sa mga susunod na taon.