Muling nagtala ng world record si Tian Rui, mas kilala bilang “Card Architect,” gamit ang mahigit 3,000 na Jenga blocks.
Sa pinakabagong tagumpay, naitayo ni Tian Rui ang isang Jenga tower na binubuo ng 3,149 blocks na nakasalansan sa ibabaw ng isang patayong piraso lamang, isang pambihirang kakayahan na nagpahanga maging sa mga eksperto sa stacking.
Hindi ito ang unang beses na nagmarka si Tian Rui sa stacking. Bukod sa kanyang bagong record para sa “most Jenga blocks stacked on one vertical Jenga block,” hawak din niya ang mga titulo para sa “tallest house of cards built in one hour” (32 layers), “tallest house of cards built in 8 hours” (62 layers), at “most Jenga Giant blocks stacked on one vertical Jenga Giant block” (918 blocks).
Dati siyang magician, pero ngayon ay ganap nang content creator at record breaker na kinikilala sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Tian Rui, disiplina at tiyaga ang susi sa kanyang tagumpay. Hindi raw sikreto ang formula sa kanyang achievement kundi purong konsentrasyon at paghasa sa pakiramdam ng balanse.
Para sa kanya, ang stacking ay naging bahagi na ng kanyang araw-araw na buhay. Plano pa niyang palawakin ang kanyang mga proyekto, tulad ng paggawa ng mga miniature city skyline gamit lamang ang baraha at blocks, upang ipakita sa publiko ang kahalagahan ng tiyaga at pokus sa gitna ng mabilis na pagtakbo ng mundo.
Ang “Card Architect” na si Tian Rui, matapos makuha ang ikaapat niyang Guinness World Records title.











