--Ads--

Muling inihain ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang panukalang batas na naglalayong gawing legal ang paggamit ng marijuana para sa medikal na layunin, sa layuning mapalawak ang access ng mga pasyenteng kwalipikado sa cannabis-based treatment.

Inilatag ni Padilla ang Senate Bill No. 2573 o Cannabis Medicalization Act of the Philippines nitong Lunes, Hunyo 30, kasabay ng paghahain ng unang 10 priority bills ng ika-20 Kongreso.

Naipasa na ito noong ika-19 na Kongreso at umabot sa plenaryo sa ilalim ng Committee Report No. 210, ngunit nabigong makalusot sa pinal na pagbasa.

Sa kanyang muling pagsusulong, binigyang-diin ni Padilla ang mahigpit na panuntunan sa pagtatanim, paggawa, at pamamahagi ng medikal na cannabis, upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan.

--Ads--

Suportado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang panukala at inaasahang magiging co-sponsor nito. Bilang Chair ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi niyang ang panukala ay “lubos na naaayon” sa kasalukuyang patakaran ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Isa sa mga pangunahing probisyon ng Senate Bill 2573 ang paglikha ng Philippine Medical Cannabis Authority (PMCA) sa ilalim ng Department of Health, na siyang mamamahala sa lisensiya at regulasyon ng mga programa ukol sa medikal na cannabis.

Isinama ni Padilla ang panukalang ito sa kanyang listahan ng 10 prayoridad na batas, kung saan kabilang din ang mga mungkahi ukol sa diborsyo, pagpapawalang-bisa ng kasal, pagbabawal sa political dynasty, halal certification, at pagtatayo ng Muslim prayer rooms sa mga pampublikong opisina at establisyemento.

Giit ni Padilla, ang panukalang batas ay tugon sa panawagan ng mga pasyente at pamilya na naghahanap ng ligtas at siyentipikong alternatibo sa karaniwang gamot para sa malubha at nakamamatay na sakit.