CAUAYAN CITY- Pinarangalan ng Office of the President at Department of Agriculture ang Villa Luna Multi-Purpose Cooperative ng Cauayan City bilang Outstanding Cassava Cluster sa 50th Gawad Saka, dala ang premyong ₱2 milyon.
Personal na tinanggap ng mga opisyal ng kooperatiba, katuwang ang City Agriculture Office at Provincial Agriculture Office, ang nasabing karangalan sa isinagawang awarding ceremony sa Nueva Ecija.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, sinabi niya na nakuha ng kooperatiba ang kategoryang Outstanding Cassava Cluster at nakapag uwi ng 2 million pesos na premyo.
Mapupunta ang nasabing premyo sa kooperatiba upang mas mapalawig ang mga proyektong mayroon sila. Kabilang sa ginagawa ng multi-purpose cooperative ay ang pagbili ng mga ani ng mga magsasaka ng cassava na malaking tulong para sa nasabing sektor
Ani Engr. Alonzo, “Isang magandang pagkakataon ito upang bigyang-pansin at pagkilala ang mahahalagang ambag ng mga kooperatiba sa komunidad.”
Ipinahayag din ng City Agriculture Office ang kanilang tuwa sa pagkapanalo ng nasabing kooperatiba, at iginiit na ito ay patunay na nagbubunga ang kolektibong pagsisikap ng mga kasapi.
Dagdag pa ni Engr. Alonzo, ang ganitong pagkilala ay nagsisilbing inspirasyon upang lalong paghusayin ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan.











