CAUAYAN CITY- Umarangkada na ngayong 2025 ang implementasyon ng mga proyektong sakop ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program, na may kabuuang pondo na ₱645.9 milyon.
Layunin ng programa na maghatid ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa mga conflict-affected at geographically isolated areas sa bansa.
Ayon kay DPAO Chief Eduardo Rarugal sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ang mga proyekto ay bahagi ng mas pinaigting na inisyatiba upang maabot ang mga komunidad na matagal nang napag-iiwanan ng serbisyo at imprastruktura.
Ipinahayag ang mga proyektong ito sa isinagawang Nexus Orientation on PAMANA Program, Local Peace Engagement, and its Transformation Program noong Hunyo 30 sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Tampok dito ang mga inisyatibang farm-to-market roads, community infrastructure, at flood control systems na ipatutupad sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).
Inatasan ni Secretary Carlito G. Galvez Jr., Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, ang mga Brigada at Batalyon ng 5th Infantry Division na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang masigurong mabilis at maayos ang implementasyon.
Tiniyak naman ni MGen. Gulliver L. Señires, Commander ng 5ID, na puspusan ang magiging pakikipag-koordinasyon ng kasundaluhan sa mga local partner agencies upang matugunan ang pangangailangan ng mga target na lugar.
Sa kabuuan, 24 na proyekto ang pinondohan sa ilalim ng programa kabilang ang mga bayan ng Claveria, Baggao, San Guillermo, at Ambaguio sa Region 2.
Tampok din kasabay ng pagbisita ni Secretary Galvez ay iprinisinta ang ilan sa mga dating rebelde na naging benepisyaryo ng Balik-Loob Program ng pamahalaan.
Ayon sa Militar, matagumpay ang pagpapatupad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), kung saan ilan sa mga dating rebelde ay nakahanap na ng disenteng trabaho, nakapagtapos ng pag-aaral, at ang iba ay naging ganap na sundalo.





