Ang dating kinatatakutang “Pharaoh’s Curse” ay posibleng maging susi sa paglaban sa cancer.
Ayon sa mga siyentipiko mula University of Pennsylvania, nadiskubre nilang ang fungus na Aspergillus flavus—na matatagpuan sa libingan ni Pharaoh Tutankhamun—ay may kakayahang pumatay ng leukemia cells.
Noong 1920s, umugong ang balita tungkol sa sumpa matapos magkasakit at mamatay ang ilang archaeologists na nakapasok sa libingan. Sa Poland noong 1970s, kahalintulad din ang mga insidente, na kalauna’y isinisi sa naturang fungus.
Ngayon, imbes katakutan, pinag-aaralan na ito bilang posibleng sangkap ng bagong gamot kontra cancer. Ayon kay Prof. Sherry Gao, marami pang tagong kayamanan mula sa kalikasan ang puwedeng magbukas ng pintuan tungo sa makabagong medisina.





