--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy na sinisiyasat ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang sunod-sunod na kaso ng robbery hold-up sa ilang bayan sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Terrence Tomas, tagapagsalita ng IPPO at Deputy Chief ng PCADU, kinumpirma niya ang isa na namang insidente ng robbery hold-up ang naitala sa Barangay Quezon, Cordon Police Station.

Ayon sa ulat, tinutukan ng baril ng riding-in-tandem suspects ang biktimang si alyas “Fred,” residente ng Diffun, Quirino, habang kasama ang anak na si alyas “Ken” na bibili sana ng grass cutter. Tinangay mula sa kanila ang isang sling bag na naglalaman ng ₱20,000 cash, cellphone, at mga alahas.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa barangay road ng Barangay Quezon. Bagamat hindi namukahan ng mga biktima ang mga salarin, nakakuha ang pulisya ng deskripsyon ng mga suspek at ng ginamit na motorsiklo.

--Ads--

Agad na inilunsad ang follow-up operation upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga ito.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng case conference ang IPPO katuwang ang Angadanan Police Station upang tukuyin kung may koneksyon ang insidente sa mga naunang kaso ng robbery hold-up sa Echague at Angadanan.

Ayon kay PCapt. Tomas, sinusuri rin nila sa tulong ng intelligence community kung bahagi ng mas malaking grupo ang mga suspek at kung may iisang modus ang nasa likod ng serye ng krimen.

Kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV footage na posibleng nakahagip sa mga salarin upang mapalakas ang kasong isasampa laban sa mga persons of interest.