--Ads--

CAUAYAN CITY- Hindi nagbabago ang paninindigan ng Simbahang Katolika kaugnay ng usapin ng diborsyo sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez, kura paroko ng Our Lady of the Pillar Parish Church, sinabi niyang hindi diborsyo ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi ang masusing paghahanda ng mga magkasintahan bago pumasok sa kasal.

Ayon kay Fr. Ceperez, sa panahon ngayon na umuunlad ang teknolohiya, maraming magkasintahan ang nagkakakilala lamang sa internet at social media at agad nagpapakasal na madalas ay nauuwi sa hiwalayan dahil sa kakulangan sa paghahanda.

Giit pa niya, ang buhay mag-asawa ay isang banal na sakramento at hindi basta kasunduan lamang. Aniya, kahit walang taong perpekto, ang pagsasama ay nangangailangan ng pagbabahaginan ng kabanalan at pagtutulungan.

--Ads--

Hinamon din niya ang mga mambabatas, senador, at mga Katoliko na sukatin ang kanilang pananampalataya:

“Kung tunay kayong Katoliko, susundin ninyo ang turo ni Hesus hindi ang pansariling kagustuhan.”

Dagdag pa niya, nananatiling buhay ang katuruan ng Simbahan laban sa diborsyo simula pa noong panahon ni Kristo, at ito’y patuloy na pinaninindigan sa loob ng mahabang panahon.

Iginiit din ni Fr. Ceperez na mas mabunga ang pagsasama ng mag-asawa na pinipiling manatili sa kabila ng mga pagsubok, sa halip na agad humantong sa hiwalayan.

Aniya, bagama’t paulit-ulit nang inihahain sa Kongreso ang divorce bill, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mas mabibigat na suliranin gaya ng korapsyon, kahirapan, krisis sa agrikultura, at dayaan sa halalan.

Paalala pa niya, may umiiral nang mga legal na remedyo sa ilalim ng batas para sa mga mag-asawang nasa toxic o mapang-abusong relasyon, gaya ng legal separation at annulment, na hindi nangangailangan ng panibagong kasal.