Pormal nang nagsampa ng reklamong cyber libel si Senator Risa Hontiveros sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga nasa likod ng dalawang viral video na aniya’y naglalaman ng mapanirang kasinungalingan.
Kasama ng senadora ang kanyang legal team sa pagdulog sa NBI nitong Miyerkules, Hulyo 2, upang imbestigahan ang umano’y mga producer ng video at ilang vloggers na nagpakalat ng di-beripikadong impormasyon sa social media.
Ang video ay nagpapakita kay Michael Maurillo, alyas “Rene,” na nagsasabing binayaran siya ng ₱1 milyon upang magbigay ng umano’y gawa-gawang testimonya laban kina Pastor Apollo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Bise Presidente Sara Duterte sa isang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Hontiveros.
Giit ng senadora, ang mga nasabing video ay “dangerous lies” na walang malinaw na ebidensya at ipinakalat ng ilang social media personalities na hindi muna nag-verify ng impormasyon.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga sumusunod na personalidad na sangkot umano sa pagpapalaganap ng video sina Tinukoy niya sina Trixie Cruz-Angeles at Ahmed Paglinawan; Krizette “Kiffy” Chu; Rob Rances; Sass Rogando Sasot; Aeron Peña (alyas “Old School Pinoy”); Jay Sonza; Banat By 2.0; Tio Moreno; Wredel Esguerra; Joie Cruz (alyas “Joie De Vivre Every Other Day”); Ka Eric Celiz; at Atty. Ranny Randolf B. Libayan ng BATASnatin.
Isinumite ng kanyang legal team ang mga screenshot, video link, at iba pang digital evidence bilang suporta sa reklamo.
Hiniling din ng senadora sa NBI na tukuyin ang eksaktong kinaroroonan ni Maurillo, pati na rin ang mga nasa likod ng Facebook page na “Pagtanggol Valiente”.











