--Ads--

Isang malungkot na insidente ng pamamaril ang naganap sa loob ng Carmona Component City Police Station, sa lungsod ng Imus, Cavite.

Kinilala ni Police Major Robert S. Dimapilis, Officer-in-Charge ng himpilan, ang suspek bilang alyas “AL,” isang lalaking kakalaya pa lamang mula sa Iwahig Prison and Penal Farm noong Hunyo 28, matapos makulong sa kasong homicide.

Dinala ang suspek sa Police Station dahil sa reklamo ng umano’y trespassing. Gayunpaman, hindi na itinuloy ng complainant ang pagsampa ng kaso kaya’t nanatili sa himpilan si “AL” para sa dokumentasyon.

Sa gitna ng proseso, bigla na lamang inagaw ng suspek ang service firearm ng isang pulis at agad na nagpaputok. Tinamaan ng dalawang bala ang naturang pulis, habang ang isa pang rumespondeng opisyal ay sugatan sa kaliwang binti. Nabaril rin ang suspek ng mga rumespondeng pulis at nagtamo ng maraming tama ng bala.

--Ads--

Agad na dinala sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang mga nasugatan, ngunit kalaunan ay idinaklarang Dead on Arrival ang isang pulis habang ang suspek nagpapagaling pa sa pagamutan.

Nagawa ring maitakbo sa pagamutan ang rumespondeng opisyal na sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan.

Nagpadala ng imbestigador ang Provincial Forensic Unit upang siyasatin ang pinangyarihan ng krimen. Narekober sa lugar ang ginamit na baril, isang Glock 9mm pistol.

Tiniyak ng Cavite PPO sa publiko na patuloy ang pagsusuri sa mga security protocols upang mas mapanatili ang kaligtasan ng mga pulis at ng buong komunidad.