CAUAYAN CITY- Matapos ang ilang Linggo na paghahasik ng lagim ay nasakote na ng Pulisya ang mga itinuturing na suspects sa serye ng holdapan sa ilang bayan sa Isabela matapos ang isang operasyon sa Barangay Apanay Alicia, Isabela.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Felix Mendoza ang hepe ng Alicia Police Station, sinabi niya na ang pagkakahuli sa mga suspek ay dahil sa napaulat na panibagong robbery incident sa Ramon, Isabela.
Aniya maagap na nag-ulat ang biktima kaya agad na naglabas ng flash alarm ang Ramon Police Station sa mga karatig na himpilan ng pulisya, dahil natukoy ang diskripsyon ng mga suspek maging ng sasakyan na kanilang ginamit sa pamamagitan ng mga kopya ng CCTV.
Ang ikinasang hot pursuit operation ay mabilis na nai-coordinate sa mga himpilan sa Ramon, Echague at Alicia katuwang ang iba’t ibang unit ng IPPO sa pamamagitan ng radio communication.
Matagumpay na naharang ng mga operatiba ang dalawang suspect sa pagnanakaw.
Sa katunayan aniya nakuha na rin nila ang warrant of arrest ng isa sa mga ito na inilabas ng korte dahil sa paglabag sa article 209 ng revised penal code o robbery.
Batay sa initial investigation ng mga otoridad na ang mga suspek na sangkot sa serye ng holdapan at pagnanakaw ay pawang mga negosyante at nag ooperate ng isang beer house sa Santiago City at hindi isinasantabi ng PNP na ang mga nadakip ay miyembro ng masmalaking grupo o organized groups.
Narekober ng mga otoridad ang sasakyang ginamit na getaway vehicle ng mga suspect na isang Hyundai Starex van na kulay itim.
Napag-alaman din na modus operandi ng mga suspect ang magpapalitpalit ng getaway vehicle at mambiktima kahit umaga.
Ang nakikitang dahilan kung bakit malakas ang loob ng mga kwatan na umatake ay dahil sa mga bitbit nilang baril o armas.
Sa ngayon ay hindi pa natatapos ang ginagawang hakbang ng PNP kaugnay sa mga naitalang robbery incident sa Southern Isabela dahil magsasagaw pa sila ng mas malalimang imbestigasyon para masakote pa ang lahat ng mga suspect na sangkot sa naturang iligal na gawain.
Nanawagan ang PNP sa mga nabiktimang mga suspect na magtungo sa himpilan ng Alicia Police Station para kilalanin ang mga nadakip at masampahan na ng pormal na kaso.











