--Ads--

 Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang planong pagsasampa ng kaso laban kina Charlie “Atong” Ang na isang negosyante at Gretchen Barretto na isang aktres, kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, inaasahang maisasapormal na ang kaso sa lalong madaling panahon. Gayunman, nilinaw niyang dadaan pa ito sa masusing pagsusuri ng piskalya upang matukoy ang angkop na kasong dapat isampa.

“Sooner than later, it will happen… Siyempre, may specific cases ‘yan na kailangang may elements of crime na kaya naming patunayan bilang mga tagausig,” ani Remulla.

Matatandaang isinama na ng DOJ sina Ang at Barretto bilang mga suspek matapos ang mga alegasyong ibinunyag ni alyas “Totoy,” na nagdawit sa dalawa sa pagkawala ng mga sabungero.

--Ads--

Aminado si Remulla na mabigat ang kaso dahil sa lawak ng koneksyon at laki ng perang posibleng sangkot sa likod ng insidente. Aniya, hindi biro ang impluwensiya ng itinuturong “mastermind” sa pagkawala ng mga biktima.

Sa panig ni Atong Ang, iginiit niyang pera lamang ang motibo ni alyas “Totoy” sa mga paratang. Ayon sa kanya, ito ang posibleng dahilan ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kaso.

Samantala, inihayag ng DOJ na posibleng maging state witness si alyas “Totoy” dahil sa bigat ng kanyang mga testimonya.