--Ads--

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, Hulyo 7, na nasa ilalim na ng protective custody ang whistleblower na si “Totoy” o Julie Dondon Patidongan.

Ayon kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III, matagal nang nagbibigay ng salaysay si Patidongan sa mga awtoridad bago pa man ito lumantad sa publiko.

Sa isang press briefing sinabi ni Torre na nasa ilalim ng PNP protective custody si alyas “Totoy” kasabay ng aplikasyon nito sa Witness Protection Program (WPP). Kapag kwalipikado, agad umanong ililipat ito sa DOJ.

Ayon pa kay Torre, nagsimulang magsalita si Patidongan noong siya pa ang pinuno ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

--Ads--

Nabigla umano  ang heneral sa mga ibinahagi nitong impormasyon.

Kaya naman lalo silang nagkaisa na resolbahin ang kasongng nawawalang mga sabungero dahil napaka-karumal-dumal ng insidente at hindi katanggap-tanggap sa anumang pamantayan.

Samantala, kinumpirma rin ng PNP na nasa 15 pulis, kabilang ang isang may ranggong lieutenant colonel ang kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Nakipag-ugnayan na ang PNP sa NAPOLCOM para sa mas malalim na imbestigasyon, upang matiyak ang transparency, impartiality, at  makamit ang tunay na hustisya.

Matatandaan na una nang isinapubliko ni Patidongan ang kanyang mga alegasyon laban sa negosyanteng si Atong Ang, aktres na si Gretchen Barretto, at tatlo pang indibidwal bilang mga umanoy utak sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Dahil sa mga rebelasyon ni Alyas “Totoy”, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maaaring ituring na suspek ang mga pinangalanan nito.

Samantala, mariing itinanggi ni Ang ang paratang at sinabing nagtangka si Patidongan na mangikil ng ₱300 milyon kapalit ng hindi pagdadawit sa kanya.

Dahil dito, nagsampa ng mga kasong kriminal si Ang laban kay Patidongan at sa dating empleyado nitong si Alan Batiles.