Nagbanta si U.S. President Donald Trump na magpapataw ng karagdagang 10% taripa sa mga bansang susuporta o kakampi ng BRICS (Brazil, Russia, India, China, at South Africa), na tinawag niyang tagapagtaguyod ng “anti-American policies.”
‘Any Country aligning themselves with the Anti-American policies of BRICS, will be charged an ADDITIONAL 10% Tariff. There will be no exceptions to this policy. Thank you for your attention to this matter!,’ post ni Trump sa kanyang Truth Social.
Ipinahayag ito ni Trump ilang oras matapos ang pagbubukas ng BRICS summit sa Brazil, kung saan dumalo ang mga lider mula sa founding members at mga bagong kasapi gaya ng Egypt, Ethiopia, Indonesia, Iran, at United Arab Emirates.
Ayon sa mga ulat, nasa 30 bansa pa ang nagpapahayag ng interes na sumali sa grupo.
Sa kanilang joint statement, binatikos ng BRICS ang tumataas na unilateral tariffs sa pandaigdigang kalakalan at nanawagan ng mas matibay na multilateralism. Giit ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, ang BRICS ay tagapagmana ng Non-Aligned Movement noong Cold War.
“BRICS is the heir to the Non-Aligned Movement,” wika ni Lula. “With multilateralism under attack, our autonomy is in check once again,” dagdag nito.
Hindi naman nilinaw ni Trump kung aling partikular na polisiya ng BRICS ang tinutukoy niyang “anti-American.” Gayunpaman, lumalabas na ang pahayag ay tugon sa pagkondena ng BRICS sa mga taripa ng U.S. at sa mga pag-atake sa Iran.
Nakatakda ring magpadala si Trump ng mga “tariff letters” simula Hulyo 7 bilang bahagi ng kanyang kampanya para sa mas agresibong kasunduan sa kalakalan. Kapag nabigo ang mga negosasyon bago ang Hulyo 9, posibleng ipatupad ang mas mabibigat na taripa sa Agosto 15.
Samantala, inaasahang bibisita sa Washington ang economic minister ng Indonesia para sa pag-uusap ukol sa taripa, habang nananatiling tahimik ang India sa isyu.











